Sasabihin Ko

Sasabihin ko ang lahat-lahat sa iyo

Kahit yung mga seryosong kuwento ko dati

na pinagtatawanan ko nalang ngayon

Sasabihin ko ang lahat-lahat sa iyo

Miski maliliit na kasalanang

nagawa ko

Sasabihin ko ang lahat sa iyo

Iyong mga alam kong magpapatawa sa iyo

Sasabihin ko ang lahat sa iyo

Kung paano ako napunta at bumalik dito

Sasabihin ko sa iyo

Magsasalita ako

Ngayon nga siguro ang pinaka tamang oras

dahil ngayon,

mas marunong na ako.

G U R O

Minsan naa-amaze nalang talaga ako sa pagmamahal ng langit sa akin.

Akalain mong tinupad nito ang isa sa mga pangarap ko noong pakiramdam ko ay natapos na yung season ng isa ko pang dream pagdating sa career.

Ang galing lang. Napakasaya ko. Napakaswerte ko. Puno ako ng pagmamahal. Salamat.

Bilang ganti, kailangan kong maging magaling dito lalo na mga bata ang nakakasalamuha ko, lalo na naguumapaw na tiwala ang natatanggap ko.

Malamang ang mga susunod kong entry dito ay puro tungkol sa pagtuturo ko. PARA KASI NAAALALA KO, PATI KASI AKO AY NATUTUTO.

Doon Tayo sa “MAS”

Kapag bumabagyo, ipinagdarasal kong mawala ang baha, ang takot, ang sakuna. Hindi ko ipinapanalanging tumila ang ulan o mawalan ng pasok sa eskwela o opisina.

Kapag may sakit si Aia, mas ipinagdarasal kong kayanin ng katawan niya ang sakit at lumakas ang kanyang resistensiya.

Kapag may naaagrabyado akong tao, may konsensiyang nagsasabi sa aking mali ang ginagawa ko. Minsan matagal kasi nilalabanan ko. Minsan naman mabilis lang dahil epektibo ata ang dasal kong gabayan Niya ako.

Kapag ako naman ang naaagrabyado, hindi ko ginugustong mamatay agad itong mga taong ito. Masarap silang balian ng buto sa panaginip pero mas magaan kung ipanalangin nalang at lahat ay ipasa-Diyos.